Agot Isidro, dismayado sa resulta ng MMFF 2022 Gabi ng Parangal

Nagbubunyi ngayon ang buong cast at team ng Metro Manila Film Festival movie entry na “Deleter”.

Ito ay matapos nilang pakyawin ang malalaking awards sa katatapos lang na MMFF Gabi ng Parangal.

Hinakot nga ng movie entry ni Nadine Lustre ang malalaking awards sa MMFF ngayong taon.

Unang-una na rito ang prestihiyosong “Best Actress” award na nasungkit ni Nadine.

Nakuha rin ng kanilang pelikula ang “Best Picture” at “Best Cinematography” awards.

Itinanghal namang “Best Director” ngayong taon ang direktor ng pelikula na si Mikhail Red.

Bukod sa mga nabanggit na awards, nasungkit din ng “Deleter”, ang nag-iisang horror film sa MMFF, ang “Best Sound”, “Best Visual Effect” at “Best Editing” awards.

Samantala, kung nagbubunyi ang cast at team ng “Deleter” sa kanilang pagkapanalo, dismayado naman ang aktres na si Agot Isidro na kasama sa MMFF movie entry na “Family Matters”dahil sa naging resulta ng Gabi ng Parangal.

Nitong Miyerkules ng umaga, December 28, ipinahayag ni Agot ang kanyang saloobin hinggil sa naging resulta ng Gabi ng Parangal.

Sa kanyang sunod-sunod na Twitter post, inamin nga ni Agot na umuwi siyang medyo dismayado dahil hindi raw napansin ang iba’t ibang aspeto ng kanilang pelikula.

Aniya, “About last night. Nagsama-sama ang pamilya Florencio kagabi except kay Mommy & Daddy. Umuwi na medyo disappointed na hindi napansin man lang ang iba’t ibang aspeto ng aming pelikula.”

Sinabi rin ni Agot na ang nakakapagpaluwag na lamang ng kanilang dibdib ay ang mga mensahe ng suporta at magandang reviews mula sa mga nanood.

Aniya, “Ang nakakapagluwag ng aming dibdib ay ang messages of support, lahat ng glowing reviews, posts na hinihimay ang istorya, mga reaksyon pagkalabas ng sinehan.”

Ibinahagi naman ni Agot na bagaman isa lang ang napanalunan nilang award, labis naman daw siyang nagpapasalamat dito.

Aniya, “Although, Salamat sa Gatpuno Villegas Cultural Award. Much appreciated.”

Dagdag niya, “Hangad namin na ang mga aral na natutunan at natuklasan uli ay inyong isasapuso. Hindi bale, wala sa amin yun. If anything, dito pa lang sobrang panalo na kami.”

Sa huli, nagpasalamat si Agot sa mga nanood ng kanilang pelikula.

Hinimok din niya ang mga hindi pa nakakapanood nito na manood na.

Ani Agot, “Maraming, maraming Salamat sa suporta. Inaasahan namin na mas marami pa ang manonood. Showing pa rin ang Family Matters sa more than 100 theaters. Kitakits tayo dun.”

Nakatakdang matapos ang MMFF sa January 7, 2023.