Ama ni Viy Cortez, binantaan ang reseller ng Viyline skincare

Usap-usapan ngayon online ang pag-alma ng maraming resellers ng skincare line na pag-aari ng kilalang vlogger at businesswoman na si Viy Cortez. Kasunod ito ng pag-e-endorso ni Viy ng produkto mula sa ibang skincare company.

Isa sa inirereklamo ng nasabing mga reseller ay ang matumal na benta nila na mas lumala pa umano dahil hindi masyadong prino-promote ni Viy sa kanyang social media accounts ang mga produkto ng pagmamay-ari nitong VIYLine Skincare.

Ayon pa sa ilang resellers na nagreklamo, mas binibigyang-pansin umano ni Viy ang ibang brand at naiitsapwera ang skincare products nito.

Saad ng isang nagpakilalang reseller, “Viy Cortez mam sana po kung gaano po kayo kasupport sa ibang brand ganun din sa viyline skincare mas madalas pa po promotion ng ibang brand. Marami po kming concerns pero wala naman kayong action. Nilalaban po namin brand nyo sana po ipaglaban nyo rin po kami at tulungan…”

Bukod dito, pinalagan din ng netizen na si Andrea Asuncion na nagpakilalang authorized reseller ng VIYLine Skincare ang pag-e-endorso kamakailan ni Viy sa isang “trending” skincare product sa TikTok.

Hinaing niya, mas lalo umano silang hindi makakabenta dahil ini-endorso lamang ni Viy ang mga produkto na sikat ngayon sa TikTok.

Sa kanyang Facebook post, ibinunyag din ni Andrea na hindi umano pinapakinggan ni Viy ang kanilang mga hinaing at sa katunayan, binubura pa umano nito ang kanilang mga komento.

Pahayag niya:

“Bakit naman po ganito? VIYLine Skincare CEO Viy Cortez Viy Cortez,” simula ni Andrea.

“Bawal po ba kami magsalita? Seller po kami ng brand niyo na pilit naming hinahataw pero hindi niyo po kami mapakinggan sa mga concern namin? Nag invest po kami sainyo, hindi biro ang 5k o 100k. Guilty na po ba sila at kanina pa po kayo nag dedelete ng comments naming mga DOWNLINES ninyo,” patuloy niya.

Dagdag pa niya, “May baguhang CD kayo 100k ang ininvest sainyo ni hindi pa makalahati yung stocks lalong lalo yung lotion walang bawas ni ISA na kahit ibagsak presyo mo eh walang bibili. Matiyaga ako sa hataw posting alam ng mga co-seller ko yan pero wala talaga kahit anong gawin.”

Umaasa ngayon si Andrea na mapakinggan ni Viy ang kanilang hinaing.

Saad niya, “Madami ngang produkto yung brand na pinapasok mo pero bakit yung TRENDING lang? ENDORSER? PERO BAKIT NAGBEBENTA?”

“Pakinggan niyo naman po kami. May karapatan kami magsalita. Ilang months namin tong tiniis, piniling manahimik pero ngayon napuno na lahat ng seller na may hawak ng brand na yan,” dagdag niya.

Samantala, nagsalita naman ang ama ni Viy na si Rolando Bañaria Cortez kaugnay ng isyu.

Sa kanyang mahabang post, binantaan ni Rolando si Andrea na mag-ingat sa mga ipino-post nito sa social media dahil baka ma-demanda siya dahil dito.

Pinabulaanan din ni Rolando ang paratang ni Andrea na may kakulangan ang kanilang kumpanya kaya naging matumal ang benta ng mga produkto nito.

Iginiit ni Rolando na hindi kasalanan ng kanyang anak kung bakit walang bumibili kay Andrea, kundi dahil sa hindi umano nito mabisang paraan ng pagbebenta.

Ani Rolando, “I’M WARNING YOU Andrea Asuncion , mag-ingat ka sa mga post mo sa social media at baka mademanda ka. Kung may problema ka sa negosyo mo wag kang mandamay ng iba. Ikaw bilang viyline skincare reseller, panu ka di dadatnan ng problema buong mundo ng health products dala mo na, may kasabihan tayo, “Jack of all trades, master of no one. Wag mong ibunton ang galit sa viyline, kundi sa sarili at kung panu mo dinadala ang pagnenegosyo mo.”

“At ikaw bilang reseller ng viyline, nakakaquota ka ba mula’t-mula?, if not dapat matagal ka ng wala sa viyline as per contract pero tahimik kami at ni isa wala kaming tinatanggal na distributor/reseller, bagama’t may pagbabago kaming gagawin,” dagdag niya.

Nilinaw din ni Rolando na lahat ng biyaya na natatanggap ng pamilya niya ngayon ay dahil sa kanilang pagsisikap.

Aniya, “Saganang akin bilang, ama ni Viy Cortez , ang lahat na nangyayari samin ngayon o anumang blessings ay grasya ng Diyos, hindi po yan ninakaw o mula sa anumang masamang paraan kundi ginagamit lang namin kung anong talinong ipinagkakaloob ng Diyos, ako bilang GM ng Viyline Group of Companies na pag-aari ni Viy. Grasya rin ito pagkatapos ng maraming taong pagsubok sa’ming pamilya sa larangang materyal.”

Sa huli, pinaaalalahanan ni Rolando si Andrea na mag-ingat sa mga sinasabi nito sa social media dahil may distributor na umano silang na-demanda dahil sa pagra-‘rant’ o pagrereklamo nito sa social media.

Aniya, “Bata ka pa at mag-ingat sa mga binibitawang salita sa internet, may distributor ng vsc ngayon ay nasa korte dahil sa ranting sa socmed, at kapag usaping korte, tandaan niyo masalimuot ito at stress ang aabutin natin. Kaya sikaping payapa ang isip at piliin lagi na tama ang ginagawa. Salamat sa’yo.”

Sa ngayon, wala pang pormal na pahayag si Viy at ang kanyang kampo hinggil sa isyu.