Abot-langit ang pasasalamat ng aktor na si Andrew Schimmer sa mga netizen na nagpadala ng tulong pinansyal para sa pangangailangan ng kanyang misis na si Johromy na magpahanggang ngayon ay nakaratay pa rin sa ospital.
Malaki rin ang pasasalamat ni Andrew at ng kanyang pamilya sa mag-asawang Julius at Tintin Babao dahil bukod sa perang nalikom nila mula sa netizens sa pamamagitan ng kanilang YouTube channel ay personal din na nagbigay ng tulong ang mag-asawa mula naman sa kanilang pamilya.
Sa isang episode ng programa nilang “Julius Babao Unplugged” sa YouTube, mapapanood na personal na bumisita ang mag-asawa sa bahay nina Andrew upang kumustahin si Johromy, ilang araw mula nang maiuwi ito sa kanilang tahanan mula sa halos isang taon na pagkaka-confine sa ospital.
Dito nga ay personal na inabot nina Julius at Tintin ang tseke mula sa mga netizen na nagpadala ng tulong para kay Johromy sa pamamagitan ng kanilang YouTube channel.
Umabot ng $334.79 ang kabuuang perang nalikom ng programa ng mag-asawa na kung iko-convert sa Philippine peso ay nagkakahalaga ng halos P20, 000.
Samantala, hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na makalipas lamang ang isang linggo mula nang maiuwi sa kanilang tahanan si Johromy ay muli itong isinugod sa ospital matapos itong makaranas ng mataas na lagnat, mabilis na tibok ng puso, at pagsusuka.
Matatandaang dinala sa ospital si Johromy Nobyembre noong nakaraang taon matapos makaranas ng matinding asthma attack na humantong sa cardiac arrest at brain hypoxia o kawalan ng sapat na oxygen sa utak.