‘Badjao Girl’ Rita Gaviola, nakapagtapos ng senior high school

Senior high graduate na si Badjao Girl o Rita Gaviola sa tunay na buhay.

Sa Instagram, ibinahagi ni Rita ang litrato niya suot ang kanyang toga, kasama ang kanyang non-showbiz partner at anak na si Kianna.

Ayon kay Rita sa caption, ang kanyang anak at partner ang inspirasyon sa kanyang pagsusumikap.

“Kayo ‘yung dahilan kung bakit ginagalingan ko sa lahat ng bagay,” aniya.

Samantala, sa isang Tiktok video naman na kanyang in-upload, lubos naman siyang nagpapasalamat sa lahat ng mga taong sumuporta sa kanya.

“Thank you Lord sa lahat daming nangyari pero hindi ninyo po ako pinabayaan. Simula pa lang tong laban na to. Thank you din love sa lahat ng tulong mo kayo ang dahilan ni Kia kaya ako lumalaban sa buhay. Sa lahat ng nagmamahal sa akin, maraming salamat, sa family ko na lang nandiyan mahal na mahal ko kayo,” ani Rita kasama ang slideshow ng ilang mga litrato.

Unang nakilala si Rita nang maging viral ang litrato niya na nanlilimos kasama ang nakababatang kapatid noong Pahiyas Festival taong 2016.

Pumasok naman siya bilang “Badjao Girl of Lucena” sa Pinoy Big Brother: Lucky 7” at segment na “Sexy Babe” ng It’s Showtime.

Agosto noong nakaraang taon ay binalita naman ni Rita na siya ay isang nanay na.