Barbie Imperial, abswelto sa 3 kasong isinampa ni Debbie Garcia

Abswelto ang Kapamilya actress na si Barbie Imperial sa mga kasong isinampa ng Vivamax actress na si Debbie Garcia laban sa kanya.

Ibinalita ni Ogie Diaz sa kanyang vlog na “Ogie Diaz Showbiz Update” ang naging desisyon ng korte sa mga kasong kinakaharap ni Barbie.

Matatandaang noong Nobyembre ng nakaraang taon nagsampa ng kaso si Debbie matapos silang magkapisikalan ni Barbie sa Tipsy Pig sa Quezon City noong Oktubre.

Tatlong kaso ang isinampa ni Debbie: grave oral defamation, slight physical injur!es, at grave slander by deed.

“Ang naturang kaso ay ibinasura ng korte,” paglalahad ni Ogie.

Walang sapat na ebidensya

Batay sa kopya ng resolusyon mula sa korte na ipinakita ni Ogie, hindi sapat ang mga ebidensya sa CCTV footage para mapatunayan ang bintang ni Debbie.

“The alleged defamatory remarks and other acts intended or calculated to cast dishonor, discredit or contempt upon the Complainant that would constitute the crimes of Grave Oral Defamation and Slander by Deed are not evident in the CCTV footages attached to the complaint,” nakasaad sa desisyon ng korte.

Ginawa umanong batayan ng korte ang CCTV at makikita roon na hindi nagkadikitan ang dalawang aktres.

Mababasa rin sa resolusyon na, “there was no recording that Respondent was grabbing and pulling the Complainant’s hair, scratching her chest, neck and arm and kicking her leg.”

“Charges against the respondent Barbie Imperial y Concina, alias “Barbie Imperial”…be DISMISSED due to INSUFFICIENCY OF EVIDENCE,” hatol ng korte.

Base kay Ogie, hindi na umano magsasampa ng kontra-demanda si Barbie laban kay Debbie.

Aniya, “Gusto na lang daw ni Barbie na malaman ng mga tao na siya ang nagsasabi ng totoo.”