Barbie Imperial, sinupalpal ang netizen na nagsabing si AJ Raval ang nagwagi sa puso ng kanyang ex-boyfriend na si Diego Loyzaga

Sa unang pagkakataon, buong tapang na binasa at sinagot ng aktres na si Barbie Imperial ang mga “mean” o masasakit na komentong ibinato sa kanya ng mga netizen sa social media.

Sa kanyang pinakabagong vlog, nag-seafood mukbang si Barbie habang isa-isang binabasa ang ilan sa mga masasakit na komentong ibinato sa kanya ng mga netizen.

At isa na rito ang tungkol sa kontrobersyang kinaharap niya noon patungkol sa ex-boyfriend niyang si Diego Loyzaga at leading lady nito sa pelikulang “De@th of a Girlfriend” na si AJ Raval.

Matatandaan na noong nakaraang taon, mainit na pinag-usapan ang post ng social media personality na si Xian Gaza kung saan tila sinasabi niyang may namamagitan umano kina Diego at AJ habang sila pa ni Barbie.

Kasunod naman nito ay ipinagtanggol ni Barbie si Diego at iginiit na hindi siya nito niloloko.

Sa isang panayam ay binweltahan din noon ni Barbie si AJ at hinamon na magsalita kaugnay ng isyu upang patunayan na hindi siya ‘kab!t’ ni Diego.

Samantala, sa kanyang vlog, nilinaw ni Barbie na in good terms sila ni AJ ngayon matapos umanong magmessage si AJ sa kanya at napag-usapan nila ang kanilang mga isyu.

“Guys bati na kami ni AJ Raval kasi nag-message siya sa akin tapos nag-usap kami,” paglilinaw ni Barbie.

Gayunpaman, hindi pa rin maiwasang mainis ni Barbie nang mabasa ang isang komento na nagsasabing si Aj umano ang “nagwagi” sa puso ni Diego.

Narito ang nasabing komento:

“AJ Raval win in diego’s heart. Tama nga hinala ni Xian Gaza ang pambansang marites.”

Bumwelta nga si Barbie sa netizen na nagsabi nito at sinabi niyang paano umano nagwagi si AJ sa puso ni Diego kung siya naman daw ang “jinowa” nito.

Ani Barbie, “AJ Raval win in diego’s heart? Talaga ba? Ako kaya yung jinowa paano siya nanalo? Hahaha-ha!”

Pero sa huli, natawa naman si Barbie dahil bagaman siya raw ang nagwagi sa puso ni Diego, iniwan naman daw siya nito.

Aniya, “Pero ako rin naman ang iniwan?”

Matatandaang Pebrero ngayong taon nang aminin ni Barbie na hiwalay na sila ni Diego.

Hindi na idinetalye ni Barbie ang dahilan ng kanilang paghihiwalay pero nag-iwan siya ng makabuluhang pahayag kung bakit parang lagi siyang iniiwan ng taong mahal niya.

Ani Barbie, “Natutunan ko na baka kaya pauli-ulit na nangyayari sa akin ‘to kasi hindi ko minamahal yung sarili ko. Kasi it’s like all the same stories each boyfriend, so for me, parang what if ibahin ko ngayon? Sarili ko naman ang mahalin ko?”

Sa kasalukuyan ay wala pang napapabalitang bagong karelasyon si Barbie.