Hindi maikakaila na ang mga aso ang number 1 choice ng marami pagdating sa pagpili ng alagang hayop.
Depende sa kanilang lahi, ang karamihan sa mga aso ay palakaibigan, tapat, at mapagmahal.
Maaasahan din sila pagdating sa pagbabantay ng ating mga tahanan mula sa mga ‘intruder’ o mga nanghihimasok na hindi natin kilala.
Kaya naman marami ang gustong mag-alaga sa kanila.
Samantala, may iba’t ibang laki ang bawat aso.
Kamakailan lamang nga ay kinilala ng Guinness World Records (GWR) ang bagong record holder ng ‘world’s shortest dog’ o pinakamaliit na aso sa buong mundo.
Ang nasabing aso ay walang iba kundi si ‘Pearl’, isang babaeng Chihuahua na mula sa Amerika.
Dalawang taong gulang na si Pearl na may bigat na 553 g, taas na 9.14 cm o 3.59 in, at haba na 12.7 cm o 5.0 in.
Ayon sa artikulo ng GWR, si Pearl ay mas maliit pa kaysa sa popsicle stick at kasinlaki lamang ng isang dollar bill.
Saad ng GWR, “Pearl measures 9.14 cm (3.59 in) in height, meaning she’s shorter than a popsicle stick…In length, Pearl measures 12.7 cm (5.0 in) – around the same size as a dollar bill – and weighs 553 g (1.22 lb)”
Ayon naman sa GWR, si Pearl ay kamag-anak ng dating record holder na si Miracle Milly na may taas na 9.65 cm at haba na 3.8 in.
Matatandang pumanaw si Miracle Milly noong 2020.
Samantala, sinabi ng may-ari ni Pearl na si Vanesa Semler sa GWR na mapalad silang maging alaga si Pearl.
Aniya, “We’re blessed to have her. And to have this unique opportunity to break our own record and share with the world this amazing news.”