Ben Tulfo, pasimpleng ikinumpara si Rendon Labador sa aso

Viral ngayon sa social media ang umano’y pagtatanggol ng journalist-radio commentator na si Ben Tulfo kay Michael V. laban sa social media personality na si Rendon Labador.

Nakarating nga sa kapatid ni Sen. Raffy Tulfo ang ginawang pang-iinsulto ni Rendon kay Michael V. at sa showbiz industry.

Matatandaang tinawag na ‘laos’ ni Rendon ang magaling na komedyante matapos ang post nito tungkol sa ‘content creator’.

Bukod dito, ininsulto din niya ang showbiz at iginiit na laos na raw ang mga artista at ang bagong celebrities ay mga influencers na raw.

Sa kumakalat nga na pahayag ni Ben sa social media ay ipinagtanggol niya si Michael V.

Mensahe pa ni Ben kay Rendon, “Maghinay-hinay ka lang sa banta at binibitawan mong salita against Michael V.”

“Ako sa totoo lang, Rendon matagal-tagal na ako sa media bilang isang journalist, actually dati akong DJ marami na akong nakaaway at nakakabangga na pasaway na katulad mong makitid ang utak, gusto lang kita i-punching bag,” dagdag niya.

Hinamon din ni Ben si Rendon na ilabas ang tapang nito sa kanyang programang Bitag at hindi raw sa mga vlog nito.

Ani Ben, “Eh pero si Bitag, matapang din ilabas mo ‘yang tapang mo, boy huwag sa video humarap ka dito sa Bitag talagang malilintikan ka.”

“Lahat na lang ng mga sikat na influencers at media binabanatan mo, huwag ganun. Because your brain is small and their sucks, stop wasting your time and money, nag-aaksaya ka lang ng laway sana ‘yang utak mo gamitin mo sa tamang paraan, hindi puro yabang lang ang dinadaan mo sa kabobohan mong video baka maiputan ka sa mukha mo na may putok sa buho,” banat pa ni Ben kay Rendon.

Pumalag nga si Ben laban sa pambabastos umano ni Rendon kay Michael V.

Saad niya, “Sinasabi ko lang, maghinay-hinay ka sa banta mo at binibitaw mo against Michael V. Napakatalinong tao ‘yan at maraming humahanga at nagmamahal sa fans niya tapos gaganyanin at babastusin mo lang sa vlog, eh ikaw kaya ang ganyanin ko, anong pakiramdam mo do’n, huh?”

Giit pa ni Ben, “Alam mo si Michael V. Kaibigan ko ‘yan, maayos siya nagpapaalam sa akin kung gusto niyang gayahin ang programa ko upang gawin ang parody version sa comedy show sitcom niyang #BubbleGang na halos tatlong dekada nang namamayagpag sa telebisyon at palagi niyang nababanggit ang BITAG, ginawa niyang ‘Sumbong-sumbong, Kay Bonggang-Bonggang Bongbong.”

Paglilinaw ni Ben Tulfo

Samantala, iginiit ni Ben na gusto lang kumita ni Rendon sa mga vlog nito kaya gumagawa ito ng isyu.

Binigyang-diin din niyang napakahambog na tao ni Rendon.

Ani Ben, “Alam mo gusto mo lang kumita sa video para yumaman ka kaya lang napakahambog mong tao ka eh, hehe tao ka nga ba talaga huh Rendon o sadyang ‘yang utak mo may putok sa buho! Kung pwede nga lang ako mismo ang titira sa’yo nang ganyan, eh.”

Samantala, sa official statement ni Ben Tulfo, nilinaw niyang walang katotohanan ang kumalat na pahayag na banat umano niya kay Rendon.

Ngunit tila mababanaag naman sa pahayag ni Ben ang kanyang disgusto kay Rendon.

Iginiit ni Ben na dalawang lamang umano ang kilala niyang ‘labrador’ na katunog ng apelyido ni Rendon at ito ay walang iba kundi ang kanyang mga aso.

Ani Ben, “WALANG KATOTOHANAN ang kumakalat na balitang statement ni Ben Tulfo sa vlogger na nagbebenta ng “motivational rice” kuno.  Fake news ang kumakalat sa social media na pahayag umano ng batikang investigative journalist na si Tulfo. Ayon mismo kay Ben “BITAG” Tulfo, dalawa lang ang kaniyang kilalang LABRADOR. Ang kaniyang mga alagang aso sa bahay na sina Tom at Keanu. #BITAG #bentulfo #RendonLabador #MichaelV”