Ben Tulfo, pinatawad na si Rendon Labador

Pinatawad na ng batikang investigative journalist na si Ben Tulfo ang social media personality na si Rendon Labador.

Ibinahagi ni Ben sa Facebook page ng programa niyang BITAG Live na personal na nagtungo sa kanilang tanggapan si Rendon.

Ayon pa kay Ben, nagpakumbaba at humingi ng tawad sa kanya si Rendon.

At hindi naman daw siya nagdalawang-isip na patawarin ito.

Katwiran ni Ben, marunong siyang makipagsabayan sa bardagulan pero sa oras na humingi ng tawad ang kaaway niya ay nararapat lang umanong patawarin ito.

Aniya, “RENDON LABADOR, PINATAWAD KO NA! WALA SA ESTILO NG BITAG ANG MAKIPAG-COLLAB! Maayos na pumunta sa aking tanggapan si Rendon Labador. Nagpakumbaba at humingi ng tawad.”

“Marunong akong makipagsabayan sa bardagulan at panduduro. Subalit oras na tinanggap ang pagkakamali at humingi ng paumanhin – marapat lang patawarin,” dagdag pa niya.

Matatandaang nag-umpisang magkainitan ang dalawa nang lumabas ang balitang kinalaban ni Ben si Rendon dahil sa pambabatikos ng vlogger sa komedyanteng si Michael V.

Walang video na nagpapatunay rito ngunit napikon naman si Rendon sa komento ng BITAG.

Nakasaad sa komento na hindi pumapatol ang mga Tulfo sa mga babae kaya hinamon ni Rendon si Ben na ipa-BITAG siya.

“Ano kung enforcer ng media? Edi ipahuli mo ‘ko. Pahuli mo ‘ko para magkaalaman tayo. Hindi kita uurungan. O kung gusto mo ako na lang pumunta d’yan e para di ka mahirapan,” pahayag ni Rendon sa Facebook video na in-upload noong May 19.