Ben Tulfo, tinawag na ‘pisot na bata’ si Rendon Labador

Hindi na nakapagtimpi ang beteranong journalist na si Ben Tulfo at sinagot ang mga patutsada ng content creator na si Rendon Labador na tinawag pa niyang “putakerang vlogger”.

Sa programang BITAG Live kung saan host si Ben Tulfo, ipinaliwanag niyang isyu ang tinatalakay nila sa programa at hindi umano sila vlogger na kung anu-ano lang ang lumalabas sa bibig katulad ng isang vlogger na pinangalanan niyang “Labrador”.

“Pangalanan mo!” Hamon ni Ben Tulfo kay Rendon.

“Huwag kang iiyak-iyak d’yan na para kang pisot na bata.”

Ayon pa sa journalist, tiningnan na nila ang Facebook page ni Rendon para mabigyan nila ng mensahe.

“Pinasok na nga namin ‘yung page mo para magpadala na kami ng mensahe sa’yo para ipakita sa’yo hindi kami nagbibiro. Tama na ‘yang putak-putak mo d’yan. Putakera kang vlogger ka,” banat ni Ben Tulfo.

Madami umano ang nagpapayo kay Ben Tulfo na ‘wag nang patulan si Rendon ngunit hindi siya sang-ayon dito dahil kaya niya naman itong patulan.

“Kaya kong maging disente, kaya kong maging barubal. Kaya kong maging kanto boy, palaboy, astig. Kaya kong makipagbalyahan, kaya kong makipagbardagulan. Kaya kong magsikuhan. Hindi lang buhat-buhat,” hirit pa niya.

Pabiro pa niyang ginaya ang pagbubuhat ni Rendon ng barbel at tinakot pa na uupakan at gagawing aso.

Nagsimulang magkainitan ang dalawa nang lumabas ang balitang kinalaban ni Ben Tulfo si Rendon dahil sa pambabatikos ng vlogger sa komedyanteng si Michael V.

Walang video na nagpapatunay rito ngunit napikon naman si Rendon sa komento ng BITAG.

Nakasaad sa komento na hindi pumapatol ang mga Tulfo sa mga babae kaya hinamon ni Rendon si Ben Tulfo na ipa-BITAG siya.

“Ano kung enforcer ng media? Edi ipahuli mo ‘ko. Pahuli mo ‘ko para magkaalaman tayo. Hindi kita uurungan. O kung gusto mo ako na lang pumunta d’yan e para di ka mahirapan,” pahayag ni Rendon sa Facebook video na in-upload noong May 19.