Boobay, handa nang sumama kay San Pedro para makapiling ang ina

Takot at pangamba ang naging reaksyon ng kanyang mga kaibigan sa biro ng komedyanteng si Boobay.

Sa live guesting kasi nito sa “Fast Talk with Boy Abunda,” tinanong siya ng TV host kung sinong santo ang gusto niyang makausap at si St. Peter nga ang kanyang sinagot.

Makabagbag-damdamin ang gustong hilingin ng komedyante kay San Pedro at ito’y ibalik ang pinakamamahal niyang ina na siya raw dahilan kung bakit nagpupursige siya sa pag-aartista.

Taong 2013 nang pumanaw ang ina ni Boobay na isang teacher dahil sa sakit sa bato.

Ani Boobay, “St. Peter, nandiyan ka ba? Wala? So, kung hindi pwede, ‘di ako na lang ang pupunta diyan soon. Ready na ako anytime…”

Matatandaang bago pa man ang pag-uusap nila ni Tito Boy tungkol sa santo, nauna nang ikinabahala ng marami ang nangyari kay Boobay sa “Fast Talk” segment ng show.

Bigla na lamang kasi siyang naging unresponsive habang tinatanong siya ni Tito Boy tungkol sa pakiramdam niya nang sabihan siyang isang mahusay na komedyante noong nag-au-audition o nagsisimula pa lamang siya sa GMA.

Biglang natulala si Boobay at hindi makapagsalita kaya pinutol muna ang palabas para sa isang commercial break at para matulungan ng doktor si Boobay.

Ipinaliwanag naman ni Boobay na may mga pagkakataon na bigla na lamang siyang nag-ha-hang.

Ito raw ay normal sa mga taong nakaranas na ng str0ke gaya niya.

Sinabihan na raw siya ng kanyang doktor tungkol dito matapos siyang atakihin noong November 2016.