Kinumpirma na nga ng longtime rumored couple na sina Coco Martin at Julia Montes ang kanilang relasyon sa publiko.
Ilang taon din naging pribado ang dalawa sa kanilang buhay pag-ibig sa kabila ng kaliwa’t kanang espekulasyon.
Kamakailan lang ay naging laman sila ng balita nang magkahawak-kamay silang dumating sa watch party ng “Unbreak My Heart”.
Sa exclusive interview ng ABS-CBN reporter MJ Felipe, ibinunyag ni Coco na 12 taon na silang nagsasama ni Julia.
“Napakasarap ng pakiramdam namin dahil ito, ilang years na, 12 years na kaming magkasama pero pareho pa rin, yung gaya ng dati,” pahayag ng FPJ’s Batang Quiapo director at actor.
Iginiit naman ng aktor na gusto nilang mapanatili ang pagiging pribado ng kanilang relasyon.
“Basta kami naman, ‘di na kami mga bata. Kung ano siguro ‘yung nakikita, iniisip ng mga tao, ‘yun na ‘yun. Kasi mas masarap kasi yung pribado yung buhay, e, tahimik, di ba? Walang mga issue, walang mga ano… eto masaya kami,” aniya.
Suportado naman ni Julia ang mga pahayag ni Coco na nakangiti lang sa tabi.
Ani Julia, “Kung ano ‘yung position namin ngayon, sobrang blessed lang talaga kami. And never nawala sa center si God so hindi nawawala ang mga good stuff. Si God talaga ang center.”
Hindi man nakwento ng dalawa ang simula ng kanilang pagmamahalan, matatandaan naman na noong 2012 umere ang unang pagtatambal nila sa “Walang Hanggan”.
Sa panahon na iyon ay 16 years old pa lang si Julia at 30 years old naman si Coco.
Kahit inaasahan na ng mga tagahanga ang rebelasyong ito, kilig pa rin ang dala sa kanila.
Anak reveal
Kasunod ng kumpirmasyon ng dalawa ng kanilang relasyon, humirit naman ang netizens ng “anak reveal”.
Ito ay dahil sa mga tsismis na buntis si Julia noon at may dalawang anak na ngayon.
Matatandaang noong 2019 ay ibinalita ng mga showbiz insider na nanganak na raw si Julia sa isang ospital sa San Juan City.
Ito rin umano ang dahilan kung bakit pansamantalang nawala si Julia sa showbiz.
Gayunpaman, kailan man ay hindi ito kinumpirma ng dalawa.