It’s official! Engaged na ang isa sa pinakasikat at pinaka-successful na YouTube couple sa bansa na sina Viy Cortez at Lincoln “Cong TV” Velasquez.
Ngayong araw, November 3, masayang ibinalita nina Viy at Cong na sa wakas ay engaged na sila matapos ang ilang taon na pagiging magkasintahan.
Sa kanyang Facebook post, isang sweet photo nila ni Cong kuha mula sa araw ng proposal nila ang ibinahagi ni Viy kung saan kapansin-pansin ang diamond engagement ring sa kanyang kamay.
Caption ni Viy sa kanyang larawan, “Yes love! Una palang alam ko na ikaw ang magiging asawa ko.”
Samantala, ilang minuto lang ang nakalipas mula nang mag-post si Viy, in-upload ni Cong ang kanyang pinakabagong vlog na walang iba kundi ang proposal at engagement video nila ni Viy na kuha sa birthday celebration niya at sa binyag ng kanilang anak na si baby Kidlat noong October 27.
Sa nasabing vlog, mapapanood kung paano sinorpresa ni Cong si Viy nang bigla niya itong tanungin ng “Will you marry me?” sa harap ng kanilang mga pamilya, malalapit na kaibigan at katrabaho.
Walang pag-aalinlangan ngang sumagot ng “yes, love” si Viy sa tanong ni Cong.
Sa huli, isang sweet at touching message naman ang ibinahagi ni Cong para kay Viy kung saan inihayag niya kung gaano siya kasaya at kaswerte na si Viy ang babaeng makakasama niya sa buhay hanggang sa kanyang pagtanda.
Ani Cong, “So ayun love, we’ve come a long way but a lot to go. Ah tama ba yun, solid kasi naging sandalan kita sa pinakamahirap na parte ng buhay ko at salamat sa Diyos na ikaw ang kasama ko ngayon sa pinakamasasarap na parte. Swerte ko kasi sayo ko kailangan tanungin yung ‘will you marry me?’ Bukod kasi sa sure ako na-o-oo kasi sa akin wala na akong mahihiling pa na isang babaeng katulad mo—matalino madiskarte, maganda, nakakatawa, mapagmahal na anak, at unbelievable na ina. Mga bagay na parehas na parehas tayo.”
Dagdag niya, “I love you, Love. Maraming salamat sa pagunawa mo sa pagnuna mo sa pagmamahal mo sa akin at higit sa lahat sa matiyagang pagiintay mo sa akin. Pero kung meroon akong mami-miss after nito, yun ay walang iba kung hindi ang mga kataga mo sa aking ‘pakasalan mo na ko’.”