Cristy Fermin, nagkasakit sa lalamunan dahil sa chismis ayon sa mga netizens

Cristy Fermin, nagkasakit sa lalamunan dahil sa chismis ayon sa mga netizens

Nakatakdang sumailalim sa operasyon ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin.

Sa latest episode ng kanyang radio program na “Cristy Ferminute,” nagbahagi ng ilang detalye si Cristy sa kanyang kalusugan.

Dito nga ay ibinunyag niya ang resulta ng kanyang pagpunta sa ospital kamakailan.

Ayon kay Cristy, nagpasya siyang pumunta sa isang kilalang ospital sa Quezon City kamakailan para sumailalim sa endoscopy, isang uri ng medical procedure kung saan sinusuri ng doktor ang kondisyon ng digestive tract ng isang tao.

Nadiskubre nga umano nila na hindi na maganda ang kalagayan ng kanyang lalamunan.

Ayon kay Cristy, nakita ng doktor na may polyps sa gitna ng kanyang lalamunan.

Paliwanag pa niya, ito umano ang dahilan ng kanyang garalgal na boses o namamaos na boses.

Ani Cristy, “Kagabi po ay nagsadya na po ako sa St. Lukes Medical Center dito sa Quezon City dahil nagpa-endoscopy po ako. Nalaman na kung bakit ako ay paos. Sa isang monitor ipinakita ni Doc sa akin dahil pinasukan ako ng instrumento sa ilong. Naku, hindi pala kagandahan ang lalamunan ano?”

“Mga Kapatid, meron po akong polyps sa gitna mismo ng aking lalamunan. Ito naman ay hindi kinatatakutan dahil natural lang sa ilong at sa throat yung mga polyps pero kailangan pong tanggalin. ‘Yung po ang dahilan kung bakit hindi umalabas ang boses ko. Nakaharang po siya doon sa mismong labasan ng hangin,” dagdag niya.

Samantala, nilinaw naman ni Cristy na hindi dapat ikatakot ang kanyang polyps dahil natural na magkaroon nito sa ating lalamunan at ilong.

Ngunit pinayuhan umano siya ng kanyang doktor na sumailalim sa operasyon sa susunod na buwan para matanggal ang nakaharang na polyps sa kanyang lalamunan.

“Ako po ay ooperahan sa susunod na buwan pa. At sabi nga ni Doc, ang sarap niya magsalita, ‘Hindi ko sinasabi sa’yong emergency. Sige, pwede tayo kahit next month. Wala kang dapat ikaalarma pero kailangan nating ipa-biospy ang polyps mo,” ani Cristy.