Cristy Fermin, tinira si Zeinab Harake at Wilbert Tolentino

Ibinahagi kamakailan ng showbiz columnist na si Cristy Fermin ang kanyang saloobin tungkol sa isyu na kinasasangkutan ngayon ng vloggers na sina Zeinab Harake at Wilbert Tolentino kung saan nadawit ang iba pang social media influencers.

Sa kanyang programang “Cristy Ferminute”, sinabi nga ni Cristy na naniniwala siyang gawa-gawa lamang ito para makahakot ng maraming views ang mga influencers na sangkot sa nasabing isyu.

Ani Cristy, “Ang daming nagsasabi sa akin, ‘Makita mo isang araw, bati na sila ulit.’ Ano yan eh, pangkuha lang yan ng views, pataasan sila ng views at tsaka, alam mo na, dagdag na kita.”

Bukod dito, nakiusap din si Cristy sa mga netizens na itigil na ang pagkukumpara sa away ng influencers sa mga celebrity dahil talagang malayo at ibang-iba raw ang dalawa.

Ayon pa kay Cristy, nagagawa ng mga celebrity na mailahad ang kanilang mga opinyon nang hindi raw nagmumurahan.

Giit niya,”Ito lang ang punto ko, malaki ang pagkakaiba ng awayan ng mga influencers at ng mga artista. Ang mga artista, magpalitan man ng kani-kanilang conviction at saloobin, hindi nagmumurahan diba? Hindi nagmumurahan, naitatawid nila ang kanilang opinyon at katuwiran sa isang makataong paraan.”

Samantala, para kay Cristy, hindi maganda iyong mga influencer na nagtatago ng ‘baho’ o pagkakamali ng kaibigan para lang may magamit ito pagdating ng panahon na mag-aaway sila.

Ani Cristy, “At tsaka hindi maganda yung ginagawa nung isang influencer na nagtatago ng libro ng mga mali. Para kapag nag-away sila nung dati niyang kaibigan, ibabato. Mali yun diba? Maling-mali yun.”

Dagdag niya, “Dapat kapag sinabi sayo in secrecy at talagang with trust, no betrayal of trust dapat. Para makakuha ka lang ng kakampi, sisiraan mo na yung dati mong kaibigan.”