Delivery rider, nasaktan at nainsulto matapos akusahan na ‘scammer’ ng isang customer

Viral ngayon sa social media ang video na ibinahagi ng delivery rider na si Henry Macajilos kung saan mapapanood ang sagutan nila ng isang customer.

Base sa makikita sa video, iginigiit ng customer na isa siyang scammer.

Ayon pa sa customer, niloko daw siya ng seller ng shop na pinagbilhan niya online at mali ang ipinadala nitong item kaysa sa inorder niya.

Kaya naman gusto niyang ibalik ni Macajilos ang pera na ibinayad niya.

Subalit humaba pa ang sagutan ng dalawa matapos akusahan ng customer si Macajilos na isang ‘scammer’ at ‘nagpapagamit’ sa panloloko raw ng seller.

Saad ng customer, “Ikaw, kuya, ang sangkot mo diyan, kinuha mo ang pera ko. Hindi ka sigurado sa idine-deliver mo kung ano…Eh wala ka ngang alam eh, ba’t nagpapagamit kayo na hindi kayo sigurado sa order. Nagpapagamit kayo eh. Scammer kayo, eh.”

Pumalag naman si Macajilos sa bintang ng customer sa kanya.

Depensa niya, taga-deliver lang daw siya ng parcel at wala siyang ideya kung ano ang laman ng mga parcel na idine-deliver niya.

Ani Macajilos, “Hindi sir, kasi wala kaming alam sa mga in-order niyo. Trabaho ko sir mag-deliver hindi po yung sinasabi ninyo na mang-scam.”

Kaya sa huli ay nagpasya na lamang si Macajilos na ibalik sa customer ang ibinayad nitong P1,000 para matapos na ang kanilang usapan.

Inamin naman ni Macajilos na sobra siyang nasaktan at nainsulto sa sinabi ng customer.

Kaya payo niya rito, “Next time sir, huwag n’yo namang husgahan ang isang tao [na naghahanap-buhay lang]. Huwag nyo akong husgahan na kung ano man ang pagkatao ko. Huwag kayong magsalita na hindi n’yo naman po ako kilala. Huwag n’yo akong husgahan na scammer ako.”

Dagdag pa niya, “Sir trabaho namin ang mag-deliver hindi po mang-scam.”

Samantala, umani ng negatibong reaksyon mula sa netizens ang ginawang pagbibintang at panghuhusga ng customer kay Macajilos.

Giit nila, wala talagang alam ang mga delivery riders sa mga parcel na idine-deliver nila dahil bawal nila itong buksan.

Payo pa ng netizens sa customer, dapat alamin daw muna nito kung may magandang reviews ba ang seller na kanyang pinagbilhan para iwas scam at hindi niya masisi ang delivery rider.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 3 million ang nakuhang views ng video na ibinahagi ng delivery rider.

Mayroon na rin itong mahigit 60k reactions at 60k comments.