Deniece Cornejo, nagpasa ng petisyon sa korte na ilipat si Vhong Navarro sa Taguig City Jail 

Pormal nang naghain ng petisyon sa korte ang dating modelong si Deniece Cornejo para ilipat sa Taguig City Jail ang actor-host na si Vhong Navarro mula sa National Bureau of Investigation (NBI) detention center.

Noong Setyembre 20, boluntaryong sumuko si Vhong sa NBI matapos lumabas ang arrest warrant para sa kasong “acts of lasciviousness” na isinampa laban sa kanya ni Deniece.

Nakapagpiyansa naman si Vhong para sa nasabing arrest warrant na nagkakahalaga ng P36,000.

Gayunpaman, hindi siya tuluyang nakalaya pagkatapos namang lumabas ang pangalawang arrest warrant para sa kanya para sa kasong r@pe na “non-bailable” o walang piyansang inirekomenda para mabigyan siya ng “provisional liberty” o pansamantalang kalayaan.

Kasunod nito, kinwestiyon ng kampo ni Deniece kung bakit nakakulong si Vhong sa NBI detention center gayung sa Taguig City lumabas ang dalawang arrest warrant para sa kanya.

Alinsunod sa batas ay dapat makulong ang mga taong inaresto para sa mga kaso tulad ng kinasasangkutan ni Vhong kung saan inilabas ang arrest warrant para sa kanya.

Kaya naman iginigiit ngayon ng kampo ni Deniece na ilipat si Vhong sa Taguig City Jail.

Sa pinakahuling update ng kaso, pormal nang naghain ng petisyon sa korte ang kampo ni Deniece para ilipat si Vhong sa Taguig City Jail.

Lumabas kamakailan ang mga ulat na nagsumite si Deniece ng “Manifestation with Urgent Motion” sa korte para aprubahan ang paglipat ni Vhong sa Taguig City Jail sa lalong madaling panahon.

Samantala, nauna nang inihayag ng kampo ni Vhong, sa pangunguna ng asawang si Tanya Bautista, na natatakot sila na paboran ng korte ang petisyon ng kampo ni Deniece.

Sa isang panayam kamakailan sa press, emosyonal na sinabi ni Tanya na nangangamba siya sa kaligtasan ni Vhong sakaling mapunta ito sa Taguig City Jail.

Sa ngayon, wala pang desisyon na inilabas ang korte para sa nasabing petisyon ni Deniece.