Nag-viral sa social media ang Facebook post ni Julian Martir tungkol sa kanyang admission at scholarship offers sa 30 U.S at U.K. universities.
Bilang anak ng isang tricycle driver at tindera, marami ang humanga at pumuri kay Julia.
Ngunit marami rin ang hindi naiwasang magduda sa kanya..
Ayon kay Julian, nakapasa siya 30 na unibersidad abroad at binigyan ng sumatotal na P104 million na scholarship offer.
Tinawag itong scam at false news ng ibang netizens dahil walang ebidensyang inilatag si Julian.
Samantala, noong May 21, ibinalita ng PhilSTAR Life na walo sa 30 unibersidad ang nagkumpirmang pumasa si Julian at pinadalhan nga nila ng admission letter.
Kabilang sa walong unibersidad na ito ang Webster University, Ohio Wesleyan University, Alfred University, Woodbury University, Ball State University, University of Massachusetts Dartmouth, University of Massachusetts Boston at ang Michigan Technological University.
Apat naman ang nagsabing totoo ang scholarship offer samantalang dalawa ang tumangging magbigay ng impormasyon dahil sa privacy policies.
Sa panayam ng Pep sa Negros Occidental High School (NOHS) na alma mater ni Julian, nagpadala rin umano sila ng email sa mga binanggit na unibersidad ni Julian ngunit wala pang sumasagot.
Dagdag dito, bibigyan nila ng counselling ang bata dahil naniniwala silang naapektuhan ito sa mga pamba-bash sa kanya.
“Ang concern namin ngayon yung mental health at emotional health niya, pero hindi pa kami nakapag-communicate sa kanya,” pahayag ng assistant principal Donna Abella Atosaga.
“Ngayon pa lang iniisip namin yung gagawin kung paano siya matulungan,” dagdag pa niya.
Apela ni Julian sa mga humuhusga sa kanya
Sa kabila ng mga pambabatikos sa karangalang nakamit, nanindigan si Julian na totoong mayroon siyang admissions sa 30 na unibersidad sa US at UK.
“Ang masasabi ko talaga, totoo po talaga yung 30 universities na in-applyan ko po. Kahit na i-email mo pa sila paulit-ulit, they will give you the same response, na ni-review talaga ang application ko po with scholarship,” paliwanag niya sa exclusive Zoom interview kasama si Von Belinario ng News5.
Ipinakita rin niya ang mga screenshots ng emails na natanggap mula The University of Arizona, Drexel University, DePaul University, Clarkson University, Webster University, NJIT University, at dalawa pa.
Hindi inabot ni Julian ang admission letters sa NOHS dahil pinadala ang mga ito sa email at tanging ang University of Arizona lang ang nagpadala ng physical copy.
Hiling naman ni Julian na matigil na ang bashing at mga negatibong komento tungkol sa kanya.
“I hope everyone will stop accusing me, or kung ano-ano man yung sinasabi ng mga ibang tao. I hope ma-stop na po yung false remarks about sa akin na hindi po totoo,” apela ni Julian sa netizens.
Ang Connecticut College naman ang nais pasukan ni Julian at kukuha ng double major sa computer science at math.