Ikakasal na sana ngayong Hunyo ang magkasintahang Mary at Jestoni nang biglang magbago ang kanilang buhay sa isang iglap.
Ito’y matapos biglaang pagpanaw ng groom.
Isang buwan bago ang nakatakdang buwan ng pagpapakasal, inatake sa puso si Jestoni Haincadto, 33, at matapos ang dalawang araw na pagka-confine sa opsital, tuluyan na niyang iniwan ang fiancee na si Mary Jane Escribano, 40.
Noong araw rin na iyon ay ginugunita ng magkasintahan ang kanilang 5th anniversary.
Gayunpaman, pinatunayan ni Mary na para lamang sa kasintahan ang kanyang puso dahil pinili niyang ipagpatuloy ang kanilang pag-iisang-dibdib.
Noong May 13, isang araw bago ang libing ay ikinasal si Mary sa isang seremonyas na ginanap sa isang bahay sa Brgy. Hibaiyo, Guihulngan City, Negros Oriental.
Sa video na in-upload ni Jhaira Mae Lausa Haincadto, makikita si Mary na nakasuot ng wedding dress at nakaupo sa tabi ng kabaong ng asawa.
“Sakit pamalandungon. Dili nako mahimong June bride… Sakit man, boss. Pero kung iyang pagboot, iuli na tika sa Ginoo,” emosyonal na mensahe ni Mary para sa asawa.
Sa Filipino: “Masakit isipin. Hindi na ako magiging June bride…Sakit man, boss. Pero kung ito ang Kanyang gusto, isasauli na kita sa Panginoon.”
Dinaluhan naman ang seremonya ng pamilya ni Mary at Jestoni.