Ion Perez, emosyonal na inalay ang b-day wish kay Vhong Navarro

50.1K Shares

Naantig ang madlang pipol sa madamdaming birthday wish ng “It’s Showtime” host na si Ion Perez para sa kanyang kaarawan.

Noong Sabado, November 26, ipinagdiwang ni Ion ang kanyang kaarawan kasama ang kanyang mga co-host sa pangunguna ng kanyang partner na si Vice Ganda.

Hindi nga napigilang maging emosyonal ni Ion nang ibinahagi na niya ang kanyang birthday wish.

Hindi kasi para sa kanya ang birthday wish niya ngayong taon kundi para raw sa dalawang taong malapit sa kanya na dumadaan ngayon sa matinding pagsubok.

Ang isa sa birthday wish ni Ion ay inialay niya para sa kasamahan nila sa “It’s Showtime” na si Vhong Navarro habang ang isa naman ay para sa kanyang kapatid na may malubhang karamdaman.

Ayon kay Ion, hiling niyang malampasan ni Vhong ang pinagdadaanan nito ngayon dahil minsan na rin umano niyang naranasan na malagay sa sitwasyon kung saan pakiramdam niya ay tinalikuran na siya ng lahat.

Ani Ion, “Ang ano ko lang naman, wish ko dahil, may dalawang tao kasing malapit sa akin na may pinagdadaanan sila. Unang-una ay iyong si Brad Vhong, kasi tol, kapit ka lang. kasi dumating din ako sa sitwasyon na ganyan na feeling mo tinalikuran ka ng mga tao. Wag ka lang bumitaw tol, kapit ka lang. kumapit ka lang sa paniniwala na may mabubuti pa ring tao tol.”

Hindi lingid sa kaalaman ng marami na kasalukuyang nakakulong ngayon sa Taguig City Jail si Vhong dahil sa kasong isinampa sa kanya ng modelong si Deniece Cornejo.

Samantala, tuluyan namang naiyak si Ion nang sabihin niya ang kanyang birthday wish para sa kanyang ate na lumalaban sa sakit na cancer.

Ani Ion, “Kapit lang din tol sa ate ko na may pinagdadaanang sakit ngayon–stage 4 cancer. Ate, kung nanood ka man, wag kang sumuko dahil gusto kong makabawi sa ‘yo sa lahat ng sakripisyo mo sa akin. Kapit lang, ate. Kasi gusto na niyang sumuko pero sabi ko, ‘Kapit lang, ate, kasi gusto ko makabawi sa’yo. Kasi sa loob ng ilang taon, mas pinili niyang tulungan kami kaysa magkaanak, kaysa magkapamilya. Sinacrifice niya buong buhay niya… sana lumaban ka.”

50.1K Shares
Scroll to Top