“You fought a good fight”
Ito ang nakakaantig na mensahe ng mga netizens para sa asawa ni Andrew Schimmer na si Jorhomy Rovero na namayapa na ngayong araw, December 20, matapos ang mahigit isang taon na pakikipaglaban nito sa ospital.
Ang napakalungkot na balitang ito ay kinumpirma mismo ni Andrew sa kanyang Facebook post.
Sa kanyang video, makikitang umiiyak si Andrew habang binabalita sa kanilang followers ang pagpanaw ni Jorhomy.
Ibinahagi ni Andrew na nasa kalagitnaan siya ng taping para sa GMA-7 game show na “Family Feud” nang makatanggap siya ng tawag mula sa mga doktor.
Sinabi raw sa kanya ng mga doktor na si Jorhomy ay nasa isang masamang kondisyon pagkatapos bumaba ang oxygen, blood pressure, at heart rate nito.
Ayon kay Andrew, agad siyang sumugod sa St. Luke’s Medical Center, Global City sa Taguig matapos matanggap ang tawag.
Gayunpaman, sa kanyang pagdating, sinusubukan na umano ng mga doktor at nars na i-revive si Jorhomy na noon ay wala nang buhay.
Sinabi naman ni Andrew na ginawa ng mga doktor ang lahat ng kanilang makakaya para buhayin si Jorhomy.
Inamin din ni Andrew na napakasakit para sa kanya ang pagkamatay ni Jorhomy lalo na at ngayon ang kaarawan ng kanilang bunsong anak.
Ang masaklap pa raw ay hindi man lang naabutang buhay ng kanilang anak si Jorhomy.
Samantala, sa huli, tiniyak ni Andrew sa publiko na pananatilihin niyang updated ang mga ito.
Nangako rin siya na makikita ng publiko si Jorhomy.
Narito ang kabuuang pahayag ni Andrew:
“Mga kapatid ikwe-kwento ko lang sa inyo at the same time ibabalita ko sa inyo ang pinakamalungkot at tsaka pinaka-worst na balita na pwede ninyong marinig.
Kanina habang nasa GMA ako para sa taping supposedly ng Family Feud tinawagan ako ng mga doctors niya dito sa St. Luke’s na biglang nawala ‘yung kanyang BP and everything…Nawala lahat pati yung oxygen saturation niya.
Kaya naman nagpaalam ako sa GMA to apologize the whole management of Family Feud. Pasensya na…hindi ko talaga natuloy ‘ang kanina dahil kinakailangan ko pong tumakbo dito agad-agad sa St. Luke’s dahil nga po nag-desat ang aking asawa kanina, nag-desat ang kanyang oxygen saturation, blood pressure, and heart rate.
So, dali-dali naman tayong dumating dito. Inabutan natin siyang actually nire-revive nung ating mga doctors and nurses. They did everything they could…ang sakit lang. Gusto ko lang ibalita sa inyo…Ang sakit lang kasi birthday ng bunso namin mamaya. Hindi na siya inabutan ng bunso namin. Guys, maraming-maraming salamat sa mga nagdasal. Sa mga taong hindi umiwan sa akin, thank you. Thank you. So, we still keep you posted. Ito siya ngayong wala nang buhay yung kamay niya. Ang sakit…Ipapakita ko sa inyo, one last time. Ito ‘ang ating sleeping beauty. Iniwan na tayo mga kapatid. For the meantime, yun lang po muna. Wag kayong mag-alala mga kapatid, lahat kayo bibigyan ko ng pagkakataong makita siya. You deserve to see her.”
Isinugod si Jorhomy sa ospital noong November 1, 2021 matapos siyang inatake ng matinding hika na humantong sa cardiac arrest at brain hypoxia.
36 taong gulang lamang si Jorhomy.