Kwento ng Huling Sorpresa ng Ama sa Anak Bago Pumanaw, viral

Umantig sa puso ng maraming netizens ang kwento ng isang amang sinorpresa ang kanyang anak tatlong araw bago siya pumanaw.

Ang nakakaantig na kwento ng ama ay ibinahagi ng event organizer na si Ymer Gallejos sa Facebook post.

Ayon kay Ymer, nagpa-book ng car trunk surprise si Kuya Pidot at ang asawa nitong si Daisy para sa ika-17 kaarawan ng kanilang anak na si Trexie noong April 14.

Subalit noong April 17, ilang araw matapos ang sorpresa, nabalitaan daw niya ang pagpanaw ni Kuya Pidot dahil sa atake sa puso.

“This afternoon at around 11:00 AM, I received a bad news that Kuya Pidot passed away. Presumably due to heart attack in the midst of his work in the construction,” pagdadalamhati ng event organizer.

Ikwenento naman ni Ymer na balak sana niyang i-post sa parehong araw ang pictures kuha noong sinorpresa nila si Trixie.

Ngunit dahil sa mapait na sinapit ni Kuya Pidot, ibinahagi na lang niya ang hindi matatawarang pagmamahal nito bilang ama.

Ayon pa kay Ymer, ramdam niya ang ‘eagerness’ ni Kuya Pidot na pasayahin ang kanyang anak.

Siimula kasi nang magpa-book si Kuya Pidot hanggang sa araw ng pagdeliver, lagi raw nitong pina-follow up ang surprise para masigurong maayos ang lahat.

“I felt the eagerness in him to make her daughter happy. I felt a love that is so pure and great,” ani Ymer.

Ikwenento naman ni Ymer na nauna nang nagsabi sa kanya si Kuya Pidot na baka hindi siya makakasama sa pagsorpresa sa kanyang anak dahil nasa trabaho siya.

Ngunit sa oras ng sorpresa ay dumating si Kuya Pidot at naluluhang pinagmasdan ang masayang anak.

Babalik pa dapat sa trabaho si Kuya Pidot pagkatapos ng surpresa pero nanatili ito kasama ang anak.

Pagbibigay-pugay sa kabutihan ni Kuya Pidot

Samantala, sa huling bahagi ng post ay pinasalamatan ni Ymer si Kuya Pidot na dati palang konduktor ng jeep bago nagtrabaho sa construction.

Ani Ymer, “In behalf ng lahat ng pasahero at estudyante na hindi mo sinisingil ng pamasahe noon kapag sasakay ng jeep, kasama na ako. Gayundin ang mga padala na di na siningil, mga padalang allowance ng estudyante at mga gulay at bagoong. Maraming salamat.”

Paghanga kay Kuya Pidot ang ipinaramdam ni Ymer sa pagtatapos ng kanyang pagkukwento.

“Hindi ka namin makakalimutan. You are part of lives. Bahagi ka kung nasaan man kami ngayon. Isa ka sa mga mahahalagang tao sa komunidad,” pahayag nito.