Lolit Solis sa isyu ni Herlene Budol vs. dating manager: ‘Hindi na bago’

12 Shares

Isa sa mga mainit na pinag-uusapan ngayon sa social media ay ang isyu sa pagitan ng comedian-beauty queen na si Herlene Nicole Budol o Hipon Girl at ng dati niyang manager na si Elizabeth “Elize” Estrada.

Matatandaang noong nakaraang October 4, umiiyak na nagreklamo si Herlene sa programa ni Sen. Raffy Tulfo na “Wanted Sa Radyo” tungkol sa kanyang dating manager na umano’y nang-scam sa kanya.

Hindi raw kasi ito naging tapat sa kanya tungkol sa kanyang kinikita at hanggang ngayon ay hindi pa rin ibinibigay sa kanya ang kanyang talent fee na nagkakahalaga ng mahigit 1 million pesos.

Kasunod nga ng pagsasapubliko ni Herlene sa isyu ay ang pagbuhos ng iba’t ibang opinyon mula sa mga tao.

At kabilang sa mga nagbahagi ng kanyang opinyon sa isyu ay ang showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis.

Sa kanyang Instagram post, sinabi ni Lolit na hindi na bago ang isyu sa pagitan ni Herlene at ng dati niyang manager.

Upang maiwasan daw ang mga ganitong isyu ay dapat naging tapat daw sana ang dating manager ni Herlene kung magkano ang kinikita ni Herlene.

Giit pa ni Lolit, pangit umano na nag-aaway ang dalawang tao dahil sa pera.

Aniya, “Iyon issue ni Herlene Budol o Hipon Girl sa kanyang dating manager Salve, hindi na bago. Kaya nga dapat sa manager/talent relationship open kayo sa isa’t isa. Ang pangit na ang pinag aawayan ng dalawang tao ay pera. Dapat talaga pareho ninyo alam ang kinikita para maliwanag.”

Dagdag niya, “Siguro naman hindi pa ganuon kalaki ang TF ni Hipon Girl para hindi mabilang kaagad. At dapat din alam ng manager na kailangan ireport niya ang kinikita ng kanyang talent.”

Ayon naman kay Lolit, dapat inayos agad ni Herlene at ng dati niyang manager ang isyu at sana ay hindi na ito umabot sa punto na kukumprontahin ni Herlene ang dati niyang manager sa programa ng senador at malaman ito ng publiko.

Makakaapekto raw kasi sa umuusbong na showbiz career ni Herlene kung ang unang balita tungkol sa kanya ay patungkol sa isyu nila ng dati niyang manager.

Ani Lolit, “Hindi maganda na sa umpisa pa lang para bang confrontational na tao si Herlene Budol na kaagad may issue sa manager na kasama niya sa kanyang career. Dapat inayos nila ito kaagad, para mas magandang ang mga unang balita sa kanya ay tungkol sa career niya at hindi sa away nila ng manager niya.”

Samantala, hiling ni Lolit na hindi masayang ang magandang break ni Herlene sa showbiz dahil minsan lang umano dumating ang ganitong swerte sa isang artista.

Ani Lolit, “Bongga si Herlene na meron agad isang serye na uumpisahan. Kaya naman ngayon pa lang ang ingay na ng pangalan niya. Sana huwag masayang ang magandang break na ito, dahil minsan lang dumating ang mga ganitong suwerte. Welcome Hipon Girl, sana nga magtagumpay ka. Bongga.”

12 Shares
Scroll to Top