Mariel Padilla, nakilala ang mga tunay na kaibigan dahil sa politika

Masakit man para sa dating TV host na si Mariel Padilla ang pagkawala ng ilang kaibigan dahil sa politika, nagpapasalamat pa rin siya dahil mas nakilala naman umano niya kung sino ang kanyang mga tunay na kaibigan. .

Sumabak si Mariel sa lie detector test sa Youtube vlog ni Bea Alonzo kamakailan.

At dito nga niya inamin niya na bumitiw ang ilan sa kanyang mga kaibigan nang tumakbo bilang senador ang kanyang asawang si Sen. Robin Padilla.

“Yes… to the max. Siguro that’s why you really can’t put ‘yung politics joined sa friendship,” diretsahang sagot ni Mariel sa tanong ni Bea tungkol sa pagkawala ng kaibigan.

Nasaktan din umano siya sa mga kaibigan na hindi nagbigay ng suporta sa kanyang asawa at naglabas pa ng mga salita laban sa kanila.

“May part na mahu-hurt ka pero at the end of the day, kung aalagaan ko ‘yung hurt na ‘yon, kami lang naman ang talo eh, ‘di ba?” ani Mariel.

Ayon kay Mariel, mas mabuti pa raw sana na hindi sila tinulungan at nanahimik na lamang.

“Okay na sa akin na hindi mo kami tinulungan pero at least, hindi ka nagsalita against us. ‘Yung nagsalita ka pa against us, hindi ko na ‘yun matatanggap,” giit pa ni Mariel.

Hindi naman binanggit ni Mariel kung sino ang mga kaibigang tinutukoy niya.