Michael V, hinamon ng netizens na mag-ala Rendon Labador

Excited na ang netizens ang paparating na episode ng Bubble Gang kung kailan i-impersonate ng Kapuso comedian na si Michael V. ang sikat na food vlogger na si Ninong Ry.

Sa teaser na in-upload ni Michael V o mas kilala bilang Bitoy, kuhang-kuha niya ang signature look ni Ninong Ry.

Makikitang nakasuot siya ng black t-shirt, black cap, bilog na eyeglasses, at mahabang buhok.

“Kumusta mga inaanak?” caption ni Bitoy na tawag ni Ninong Ry sa kanyang mga followers.

Tinag din niya sa litrato si Ninong Ry at sinabing abangan ito sa Bubble Gang.

Ni-repost naman ito ni Ninong Ry sa Facebook at tila hindi makapaniwala sa ginawa ng komedyante.

Aniya, “Legit ba idol Bitoy? Na-excite ako!”

Kinaaliwan naman ng ilang netizens ang balitang ito sa mismong post ni Ninong Ry.

“Naku po, ayan na! Exit na si Ninong Why ko. Hahahha!” komento pa ng isang netizen.

Samantala, matapos mag-ala Ninong Ry, hinamon naman ng netizens si Bitoy na gayahin si Rendon Labador na kamakailan ay binanatan at tinawag siyang laos.

“Next time yung Labador naman Sir Michael V. para di mag tantrums yung isip bata,” pahayag ng isang netizen.

Sabi naman ng isa pa, “Eto ba yung “laos” daw sabi nung isang bitter na influencer? Hays. Legend will be legend.”

Isa si Michael V sa miyembro ng longest-running comedy show na Bubble Gang na naging laman ng balita matapos mag-post tungkol sa content ng mga content creators.

Ang post niya ang naging ugat ng mga pambabatikos sa kanya ni Rendon na ngayon ay hinihimok ang mga kapwa influencers na pabagsakin ang showbiz era.