Ibinahagi ng showbiz columnist at host-talent manager na si Ogie Diaz kamakailan sa kanyang online program na “Showbiz Update” na nakita niya ang larawan ng diumano ay babae na nabuntis ni Sen. Chiz Escudero.
Sa latest episode ng kanyang programa, isa sa mga pinag-usapan nina Ogie at ng kanyang co-hosts ay ang mga kumakalat na tsismis online na may nabuntis diumano na ibang babae si Sen. Chiz.
Ayon naman kay Ogie, may posibilidad na totoo ang tsismis na nakabuntis ng ibang babae si Sen. Chiz at ito ang dahilan kung bakit sila naghiwalay ng kanyang asawang TV actress at fashion influencer na si Heart Evangelista.
Kasunod nito, naikwento nga ni Ogie na may isang source na nagbahagi sa kanya ng larawan ng diumano ay babaeng nabuntis ni Sen. Chiz.
Pinili ni Ogie na hindi na ibunyag ang pagkakakilanlan ng babae dahil pribado raw itong tao ngunit hinuha niya na isa rin itong abogado tulad ni Sen. Chiz at isang “chief of staff”.
Ani Ogie, “May nag-send sa akin ng picture ‘nung girl. Syempre hindi naman ako, ‘Ay ‘wag kang maingay, siya ‘yun…Aah, may ganun.’ Syempre since pribadong tao yun, hindi para ilabas natin dito. Kasi baka mali ‘yung picture ‘di ba ? Maiskandalo ‘yung pamilya. Pero parang ano rin yata ‘yun, lawyer din ata yun.”
Segunda naman ng guest host niyang si Tita Jegs, “Kasi ang chika din, chief of staff din ‘ata.”
Samantala, nang tanungin kung kasingganda ba ni Heart ang sinasabing babae ni Sen. Chiz, sinabi ni Ogie na magkaiba ang taglay na kagandahan ng dalawa depende sa tumitingin dito.
Pagbubunyag ni Ogie, “Siguro hindi sila magkamukha. ‘Yung magkasing ganda? Eh hindi rin naman sila magkasing ganda. Mayroong sariling ganda ‘yung girl. May sarili ring ganda si Heart. So nasa mata ng tumitingin ‘yun.”
Sa huli, nilinaw naman ni Ogie na baka hindi totoo ang mga tsismis lalo na at hindi pa nagsasalita sina Sen. Chiz at Heart kaugnay ng tsismis na hiwalay na sila.
Matatandaang nagsimula ang break up rumors nang magpalit si Heart ng Instagram username kung saan binura niya ang apelyido ni Sen. Chiz.
Mainit din na pinag-usapan ang pag-amin naman ni Heart na marami siyang “personal struggles” na pinagdadaanan nitong mga nakalipas na buwan.
Gayunpaman, hanggang ngayon ay tikom pa rin ang bibig ng mag-asawa hinggil sa isyu.