Tuloy na tuloy na ang paglipat ng longest-running noontime show sa bansa na Eat Bulaga sa TV5!
Ibinalita ito sa isang episode ng entertainment vlog “Showbiz Now Na” nina Cristy Fermin, Romel Chika, at Wendell Alvarez.
Kahit na nabayaran na ng TAPE Inc., ang producer ng Eat Bulaga, ang mga utang nito sa mga hosts, tuloy pa rin ang paglipat ng programa.
Handa na umanong tanggapin ng isang bigating producer ang Eat Bulaga.
At hinihintay na lang nito ang “go signal” nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon o TVJ.
May naganap din umanong secret meeting sa pagitan ni Tito Sen at ang nasabing producer para pag-usapan ang lipatan.
Sasama lahat ng co-hosts sa paglipat ng TVJ
Ayon sa reliable source ni Cristy Fermin, nagkaroon ng headcount sa mga Dabarkads hosts at tinanong ang mga ito kung sinu-sino ang mga sasama sa TVJ.
“Nag-ano na pala, nag-headcount. Talaga raw tinanong na, ‘Sasama ba kayo?’ ‘Maiiwan kayo?’ At lahat daw ng tinanong na co-hosts ay sasama sa paglipat ng TVJ,” saad ni Cristy.
Kabilang din ang buong production team sa paglipat.
Matatandaang noong nakaraang buwan ay nakapanayam nina Cristy at Romel si Tito Sen sa ONE PH.
Tinanong nila si Tito Sen sa posibilidad na magkasundo ang dalawang malalaking istasyon para ilunsad muli ang Eat Bulaga.
“Malaki po ang posibilidad,” diretsahang sagot ni Tito Sen.
Tikom naman ang kanyang bibig kung magkakaroon ng back-to-back ang Eat Bulaga sa isang existing noontime show.
Samantala, sa paglipat ng Eat Bulaga ay nagkaroon naman ng mga spekulasyon na ang Wowowin ni Willie Revillame ang papalit sa Eat Bulaga.
Ito ay matapos i-pull-out ni Willie ang kontrata sa ALLTV at naka-sabbatical leave.
Gayunpaman, walang komento si Willie rito at abangan na lang umano ang anunsyo sa June.