PBBM, tutulungan diumano si Vhong Navarro?

24 Shares

Fake news o walang katotohanan ang nakasaad sa isang 3-minutong Facebook video na nagpahayag umano ng suporta si Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa “It’s Showtime” host na si Vhong Navarro na nahaharap ngayon sa kasong isinampa laban sa kanya ng dating modelong si Deniece Cornejo.

Ito ay ayon sa fact-checking page na Vera Files na kamakailan ay hinimay-himay ang mga kini-claim ng nasabing video.

Kabilang dito ang diumanoy pagpapahayag ng suporta at tulong ng pangulo sa kaso ni Vhong.

May pamagat ang nasabing video na “Nagsanib Pwersa na! Raffy Tulfo, Willie Revillame, at Bongbong Marcos Tutulungan si Vhong Navarro.”

Ibinahagi ito ng Facebook page na Smith TV noong September 30 at agad naging viral sa iba’t ibang social media platform tulad ng YouTube at TikTok matapos itong ipost ng nasabing page sa kanilang sariling channel at account.

Sa nasabing video ay kini-claim ng taong nagsasalita sa video na magtutulungan umano sina Sen. Raffy, Willie, at Pangulong Bongbong para tulungan si Vhong sa kinakaharap nitong kaso ngayon.

Sa isang bahagi pa ng video, sinabi ng nagsasalita na nangako umano si Pangulong Bongbong na gagawa ng paraan ang kanyang administrasyon para siguraduhin na patas ang magiging kalalabasan ng kaso at walang anumang ‘lamangan’ na mangyayari sa pagitan ng kampo nina Vhong at Deniece.

Ani ng nagsasalita sa video, “Kaniyang pagbabahagi na gagawa ang kanyang pamahalaan ng paraan para maging pantay ang kalalabasan ng kaso at hindi magkaroon ng anumang klase ng lamangan sa pagitan ng dalawang kampo.”

Gayunpaman, batay sa masusing pananaliksik, lumilitaw na walang basehan at mali ang mga pahayag sa nasabing video.

Magpahanggang ngayon kasi ay walang ulat o lehitimong artikulo ang nailathala at nagsasabing personal na nagpahayag ng kanyang suporta ang pangulo kay Vhong.

Wala ring anumang opisyal na pahayag mula sa Malacañang na makikialam ang administrasyong Marcos sa kaso ni Vhong.

Maliban sa pangulo, wala ring pahayag mula kay Sen. Raffy o sa kanyang tanggapan na handa siyang tumulong sa kaso ni Vhong kahit maraming netizens ang nanawagan na tulungan niya si Vhong.

Habang sa kaso naman ni Willie, ayon sa showbiz columnist na si Cristy Fermin, handa umanong tulungan ng TV host si Vhong tulad ng ginawa umano nito noong 2014.

Gayunpaman, wala pang kumpirmasyon si Willie hinggil sa pahayag ni Cristy.

Samantala, tuloy na tuloy na ang paghaharap nina Vhong at Deniece sa korte ngayong Martes, October 11, para sa arraignment at pre-trial conference ng kasong inihain ni Deniece laban kay Vhong.

Nakatakdang maghaharap muli sina Vhong at Deniece makalipas ang ilang taon bukas, eksaktong ala-1:30 ng hapon sa Taguig City Hall of Justice.

Matatandaang nakakulong si Vhong sa NBI detention center simula pa noong September 20 kung kailan siya sumuko matapos lumabas ang arrest warrant para sa kasong r@pe na isinampa laban sa kanya ni Deniece na walang piyansa.

Bago makulong, una nang nakapagpiyansa ng P36, 000 si Vhong para naman sa kasong acts of lasc!viousness na isinampa rin ni Deniece laban sa kanya.

24 Shares
Scroll to Top