Rendon Labador nag-sorry na: ‘Pasensya na kung masyado kayong naging emotional’

Nag-public apology na ang social media personality na si Rendon Labador sa mga nasaktan dahil sa kanyang mga banat sa social media.

Kabilang na rito ang mga artista na tinira niya sa kanyang mga post at vlog gaya nina Coco Martin at Michael V.

Sa pamamagitan ng isang official statement, taos-pusong humingi ng sorry si Rendon “sa lahat po ng Pilipinong nasaktan at naging emotional sa mga nangyayari sa social media.”

Ayon pa kay Rendon, hindi niya intensyon na makasakit, sadyang prangka lamang umano siyang magsalita.

Aniya, “Pasensya na for being too straightforward. Ganun talaga ako pinalaki ng aking mga magulang.”

“Straight talaga ako magsalita. Hindi ko kayo bobolahin. Sasabihin ko sa inyo ang totoo. Yun yung mga standard ko sa buhay na hindi ko kayang baguhin para sa inyo,” dagdag pa niya.

Iginiit din niyang intensyon lang niyang mag-motivate ng ibang tao.

Aniya, “Pasensya na kung masyado kayong naging emotional. I’m just here to help. I’m just here to motivate you. Yung pure motivation gusto kong ibigay sa inyo.”

Samantala, nilinaw ni Rendon na hindi niya masisiguradong hindi niya muli masasaktan sina Michael V, Coco, at ibang mga celebrity at atletang ‘sinisita’ raw niya sa social media.

“Hindi ko po ma-a-assure na hindi ko po kayo masasaktan ulit,” saad pa ni Rendon.

Pinasalamatan naman ni Rendon ang mga ‘nakakaintindi’ sa kanya.

Mensahe naman niya para sa mga hindi siya naiintindihan:

“Sa mga hindi nakakaintindi, huwag kayong mag-alala, hindi ako titigil hangga’t hindi kayo mag-improve. Hangga’t hindi kayo lumakas,” aniya.