Richard Yap, kinasuhan ng kanyang umano’y anak

196 Shares

Matagal nang nagsusumamo ang umano’y abandoned child ni Richard Yap na kilalanin siya ng aktor bilang anak nito bago ito pormal na nagsampa ng paternity suit laban sa kanya.

Nitong October 10, ibinahagi ni Cebu City Councilor Prisca Niña Mabatid sa isang Facebook post na sinampahan na ng kaso si Richard ng umano’y inabandona nitong anak na si Joshua Paolo Jensen.

Nakasaad sa kopya ng court order na ibinahagi ng konsehal na ang kaso ay para sa “compulsory recognition” na isinampa ni Joshua laban kay Richard sa Cebu City Regional Trial Court Branch 22.

Sa caption ng kanyang post, sinabi naman ng konsehal na naaawa siya sa umano’y inabandonang anak ni Richard dahil ayaw ng aktor na magpa-DNA testing.

Gayunpaman, dahil sa kasong isinampa ni Joshua, wala na raw magagawa si Richard kung ipag-utos ng korte na sumailalim siya sa DNA Testing para patunayan ang kini-claim ni Joshua na anak niya ito.

Bukod sa kopya ng court order, ibinahagi rin ng konsehal ang isang collage ng mga larawan ni Joshua.

Iginiit din niyang sobrang kamukha ni Richard si Joshua.

Ani ng konsehala, “Abandoned child by Actor Richard Yap filed a case against YAP for paternal suit. As an advocate of the protection and welfare of children, I pray for DNA TESTING kay maluoy ko sa bata. pero di man cya pa test but once the court orders wala cya’y mahimo? in my opinion liwat kaayo cya ni richard yap. Josh Jensen good luck dong, truth shall prevail.” (Abandoned child by Actor Richard Yap filed a case against YAP for paternal suit. As an advocate of the protection and welfare of children, I pray for DNA TESTING dahil naaawa ako sa bata. Pero ayaw niyang magpa-test but once the court orders [it] wala na siyang magagawa? In my opinion, sobrang kamukha siya ni Richard Yap. Josh Jensen good luck dong, truth shall prevail.)

Samantala, nagkomento naman si Joshua sa post ng konsehal kung saan sinabi nitong alam na ni Richard ang katotohanan na anak siya nito.

Ibinunyag din niyang kaya ayaw daw magpa-DNA test ni Richard dahil natatakot umano itong malaman ng lahat na may anak siya sa labas.

Ayon pa kay Joshua, matagal na niyang hinahanap at gustong makausap si Richard pero lagi raw itong umiiwas sa kanya.

Ani Joshua, “Alam naman naten yung totoo, hindi mo lang matanggap sa sarili mo. hinahamon kita mag pa DNA test, ayaw mo. bakit? takot ka malaman nilang lahat?

Dagdag pa niya, “Sana naman mag pakalalaki ka kahit minsan lang, alam mo matagal ka na namin hinahanap para makausap ng mayos, kaso wala e, puro ka iwas. hinintay mo pa dumating sa puntong to. ngayong dumating na, siguro oras na din para mag kaharap kaharap tayo, para malaman na din nila kung ano ba talaga yung totoo. wag ka mag alala. si lord na bahala sa lahat.”

Samantala, wala pang pahayag si Richard hinggil sa kasong isinampa ng nagpakilalang anak niya laban sa kanya.

Gayunpaman, nauna nang itinanggi ni Richard sa isang panayam noong nakaraang taon na anak niya si Joshua, dahil hindi raw ito taga-Cebu at hindi marunong magsalita ng Bisaya.

Sinabi rin ni Richard na hindi pa niya nakikita, nakilala, at nakausap si Joshua, kaya nagtataka umano siya kung saan nito nakuha ang ideya na siya ang ama nito.

Ani Richard, “I’ve been in show business for ten years and I still have a child. As you can see that person is not from Cebu. He doesn’t know how to speak Bisaya. Why is he filing in Cebu? Who is behind that? I have never seen him, met him, talk to him ever since. Just wondering where he took me to be his father .”

Si Richard na unang sumikat sa Kapamilya drama series na “Please Be Careful With My Heart” bilang “Sir Chief” ay mayroong dalawang anak sa kanyang asawang si Melody na sina Ashley at Dylan.

196 Shares
Scroll to Top