Makukulong ng 10 hanggang 62 taon ang aktor at komedyanteng si Roderick Paulate.
Ito ay matapos siyang hatulan ng guilty ng Sandiganbayan sa kasong graft at falsification of documents kaugnay ng pagkuha niya ng mga ghost employees noong 2010 sa kanyang maikling pag-upo bilang konsehal ng Quezon City.
Hinatulang guilty si Paulate ng 1 count ng graft at 9 counts ng falsification of documents at sinentensiyahan ng hindi bababa sa 10 at kalahating taon hanggang 62 taon bilang na pagkakakulong.
Ayon naman sa ulat, bukod sa pagkakulong, pinagbabayad din si Paulate ng 90,000 na multa, o 10,000 para sa bawat bilang ng falsification offense niya.
Dagdag pa rito, hindi na rin maaaring maupo si Paulate sa anumang pampublikong opisina o tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno habang buhay.
Kung matatandaan, nanalo si Paulate bilang konsehal ng ikalawang distrito ng Quezon City noong 2010 ngunit noong taon ding iyon ay tinanggal siya sa kanyang posisyon kaugnay ng umano’y pagkuha niya ng ‘ghost employees’.
Noong 2018 ay pormal naman na isinampa ng Office of the Ombudsman ang kaso laban kay Paulate.
Samantala, bukod kay Paulate, hinatulang guilty din sa kasong graft ang kanyang driver at liaison officer na si Vicente Bajamunde.