Naglabas ng kanyang saloobin ang beteranong host na si Willie Revillame kaugnay sa mga balitang mas mataas ang ratings ng mga bagong programa ng Kapuso network na ipinalit sa kanyang dating programa na “Wowowin: Tutok To Win.”
Matatandaang huling napanood noong February 11 ang nasabing programa ni Willie makalipas ang anim na taon mula nang ito ay unang napanood. Tuluyan na ring nagpaalam si Willie sa Kapuso network kasabay ng pagtatapos ng kanyang kontrata.
Agad ngang pinalitan ang programa ni Willie ng mga bagong Kapuso show. Una rito ang programang “Dapat Alam Mo!” nina Kim Atienza, Emil Sumangil, at Patricia Tumula na napanood mula February 14 hanggang March 18.
Pumalit naman sa programa ang comeback ng game show na “Family Feud” ni ‘Kapuso Primetime King’ Dingdong Dantes na nagsimulang umere noong March 21.
At sa mga ulat, lumalabas na mataas ang rating ng mga programang pumalit sa show ni Willie.
May reaksyon naman si Willie kaugnay dito na ibinahagi niya kamakailan sa kanyang online program na “Wowowin: Tutok Para Manalo,” na kasalukuyang napapanood ng madla sa YouTube at Facebook.
Para kay Willie, balewala ang ratings dahil ang mas mahalaga ay marami siyang natulungan.
Pahayag niya, “Sa inyo na ‘yang ratings, sabihin mataas ang ratings nung wala ako, sa inyo na lahat ‘yan. Basta ako, gagawa kong kabutihan sa aking mga kababayan at sa kapwa ko.”
Iginiit naman niyang kahit papaano ay nakapagpasok ng malaking pera sa GMA ang kanyang dating programa.
Aniya, “Saka kahit naman siguro papa’no nakapagpasok naman siguro kami ng malaking pera diyan sa mga istasyon na pinasok namin dahil marami din naman mga sponsors na pumasok.”
May bwelta rin si Willie sa mga nagsasabing wala na siyang premium ngayon dahil online na lamang napapanood ang kanyang programa.
“Uy, a, ‘yung iba diyan nagsusulat parang nakakaawa daw ako, nasa YouTube, Facebook na lang daw ako. Mag-isip nga kayo, ‘yan na ho ang mundo ngayon, social media na, YouTube, Facebook na talaga,” saad ni Willie.
Samantala, napabalita namang magbabalik sa telebisyon si Willie sa ilalim ng Advanced Media Broadcasting, ang TV station na pagmamay-ari ng business tycoon at malapit na kaibigan ng host na si Manny Villar.