Sen. Jinggoy Estrada, may mungkahi na ipa-ban ang K-drama at foreign shows sa Pilipinas

Inulan ng batikos mula sa netizens ang pahayag kamakailan ni Sen. Jinggoy Estrada hinggil sa pag-ban ng Korean telenovelas o Korean dramas sa bansa para raw maisalba ang tila namamatay nang pelikulang Pilipino.

Sa 2023 budget hearing para sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) nitong Martes, October 18, inamin ng senador na pinag-iisipan niyang ipagbawal ang mga Korean drama at iba pang foreign-made na pelikula at palabas sa bansa.

Paliwanag ng senador, kung patuloy umanong ipapalabas sa bansa ang mga pelikula at palabas na gawa ng mga banyaga partikular na ng mga Koreano ay tiyak daw na mawawalan ng trabaho at kita ang mga artista na nasa film at TV industry.

Ani Sen. Jinggoy, “Ang aking obserbasyon ‘pag patuloy tayo nagpapalabas ng Korean telenovela, ang hinahangaan ng ating mga kababayan ay itong mga Koreano at nawawalan ng trabaho at kita ‘yung ating mga artistang Pilipino.”

Dagdag pa niya, “Kaya minsan pumapasok sa aking isipan na i-ban na itong mga telenovela ng mga foreigner at dapat ang mga artista nating Pilipino, na talagang may angking galing sa pag-arte, ay ‘yun naman dapat ang ipalabas natin sa sariling bansa natin.”

Sinabi naman ni FDCP Chairman at veteran actor na si Tirso Cruz III na isa sa kanilang programa para masolusyonan ang problemang kinakaharap ngayon ng film at TV industry sa bansa ay mag-focus sa paggawa ng mga local films upang maibalik umano ang tiwala ng mga Pinoy sa pelikulang Pilipino.

Samantala, maraming netizens, lalo na ang mga mahilig manood ng K-dramas at K-TV shows, ang mariing umalma sa pahayag ng senador.

Ayon sa ilang netizens, may mas mahahalagang problema at isyu na dapat pagtuunan ng pansin ng mga senador tulad ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaysa sa pag-iisip na ipagbawal ang foreign-made na mga pelikula at palabas.

Maliban dito, iminungkahi rin ng maraming netizens na imbes na ipagbawal ang paborito nilang foreign shows, bakit hindi na lamang suportahan ng mga senador ang film at TV industry sa paggawa ng mga de kalidad na pelikula at palabas.

Sinabi rin ng ilang netizens na imbes na foreign shows, bakit hindi raw i-ban ang mga taong may kinakaharap na kaso na tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.

Pinatututsadahan nga ng maraming netizens si Sen. Jinggoy na dati nang nakulong matapos mapatunayang guilty ng korte sa kasong plunder kaugnay ng pagkakasangkot niya sa Pork Barrel Scam.

Sa kabila ng kanyang kaso, tumakbo at nanalo pa rin itong senador noong nakaraang eleksyon.

Narito ang komento ng ilang netizens hinggil sa isyu:

“Yung eto talaga ang mga inuuna kesa sa major issues or problems na kinakaharap ng bansa? Solusyon sa pagtaas ng mga bilihin po Sir ang hinihintay ng mga pinoy. Wag ka pala desisyon. Eh binoto nyo eh!”

“Sa Dami ng problem ng ating bansa ay yan Ang pinag uukulan mo ng pansin. Focus on more urgent matters please.”

“I-ban na lang po yung mga pulitikong convicted/may kasong plunder na tumakbo sa alinmang posisyon sa gobyerno.”

“Lahat talaga pproblemahin nyo except yung inflation, unemployment, increasing prices etc no? Be serious”

Samantala, sa kanyang pinakahuling pahayag, nilinaw ni Sen. Jinggoy na nabanggit lamang niya ang naturang pahayag dahil sa pagkadismaya at wala raw siyang planong ipanukala ang pagbabawal ng mga Korean at foreign-made na pelikula at palabas sa bansa.