Tila nagkaroon ng tensyon sa pagitan nina Senator Robin Padilla at Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo Jose de Vega sa gitna ng pagdinig ng Senate Finance subcommittee kamakailan sa panukalang budget ng DFA para sa taong 2023.
Ito ay matapos hindi natuwa ang senador sa paraan ng pagsagot sa kanya ng nasabing opisyal ng DFA.
Sa naturang pagdinig ay kinukwestiyon kasi ng senador kung paano ipapatupad ang 2016 arbitral ruling sa West Philippine Sea.
Bukod dito, iginigiit din ng senador na dapat ipaalam at malinaw na ipaliwanag sa publiko ang mga kondisyon at tuntunin na nakasaad sa Philippine-US Mutual Defense Treaty (MDT), at Visiting Forces Agreement (VFA).
Ipinunto ng senador na kakaunti ang kaalaman ng publiko hinggil sa nasabing mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa panahon ng kaguluhan.
Ginawang halimbawa ng senador ang nangyari noong 2017 Marawi siege kung saan umatras umano ang Amerika sa pagtulong sa bansa dahil sa desisyon ng kanilang kongreso na itigil ang kanilang suporta dahil sa isyu ng Pilipinas pagdating sa usaping human rights.
Sa isang video, makikita naman na unang sumagot ang kalihim ng DFA na si Enrique Manalo sa sunod-sunod na mga tanong ng senador.
Tiniyak ng kalihim na handang ipagtanggol ng Amerika ang bansa ayon sa napagkasunduan sa MDT.
Ngunit makikita sa video ang biglang pagsagot ni de Vega at sinabi sa senador na huwag itong mag-alala dahil handa raw ang DFA na ipagtanggol ang bansa sa sinumang magtatangka na manghimasok dito.
Ani de Vega, “Don’t be worried Sen. Robin Padilla. ‘Yung DFA at saka ‘yung gobyerno handang ipagtanggol ang bansa kung sino man ang lulusob sa atin, maging sino man sila. The DFA will fight diplomatically always. We will always use diplomatic means to defend our country.”
Gayunpaman, hindi ikinatuwa ng senador ang paraan ng pagsagot ni de Vega sa kanya.
Sa video, binanatan ng senador si de Vega at iginiit na hindi umano niya kinukwestiyon ang kapasidad ng DFA kundi ang nakasaad sa VFA.
Pinagsabihan din ng senador si de Vega na ayusin ang paraan ng kanyang pagsagot at igalang siya bilang isang senador.
“Hindi po natin kinukwestiyon ang DFA. Ang kinukwestiyon ko po yung VFA,” pagbibigay-diin ni Padilla.
Giit niya, “Ang sinasabi ko dapat kapag gumawa po sila ng publisidad patungkol dyan, dapat ay kasama po ‘yung patungkol sa VFA at an MDT sapagkat ‘yan po ay magkakapatid. Hindi po tayo pwedeng lumabas dyan nang hindi natin pinaguusapan ang tatlong ‘yan. Sapagkat ang arbitral ruling po ay 2016 pa at [iyan] po ay papel lang, hindi naman po ‘yan mai-implement.”
Dagdag niya, “Kaya ang itatanong ko po sana dun kanina sa barumbadong sumagot na undersecretary, siya po sana ang sumagot, papano niya i-implement sa gitna ng West Philippine Sea ‘yung arbitral ruling. At kung sasagot po siya, ako po ay senador ng Pilipinas eh galangin po niya ako.”
Dahil na rin sa tila umiinit na talakayan sa pagdinig, kaya naman pumagitna na si Sen. Alan Peter Cayetano.
Denepensahan ni Cayetano si de Vega at nilinaw kay Padilla na “mannerism” lamang nang una ang ngumiti, at tumutulong raw ito sa nasabing kaso.
Samantala, mistulang wala namang kaideya-ideya si de Vega na nabastos niya si Padilla.
Nilinaw niya na wala siyang intensyon na insultuhin si Padilla.
Sa huli, humingi rin siya ng paumanhin kay Padilla.
Saad niya, “Ah paumanhin po. Hindi po ako nag-smirk. Paumanhin, Sen. Padilla.”