Skusta Clee, nagbanta na babatuhin ng mic ang sinumang mambabastos sa kanya habang nagpe-perform

Pinabulaanan ng OPM rapper na si Skusta Clee ang mga kumakalat na tsismis sa social media kamakailan na may nambastos sa kanya habang siya ay nagpe-perform sa Hiraya Music Festival sa Camarines Sur.

Nakasaad kasi sa ilang social media post na sinigawan ng audience si Skusta habang siya ay nagpe-perform.

Marami pa rin kasi ang hindi pa nakakalimot sa ginawang panloloko umano ni Skusta sa kanyang dating kasintahan na si Zeinab Harake.

Sa nasabing music festival, marami nga raw sa audience ang hindi napigilang sigawan at pagsabihan ng masasakit na salita si Skusta.

Kasunod ng balitang ito ay tila ipinagtanggol naman ng kanyang fans at mga kasamahan sa mundo ng rap si Skusta.

Isa ang Facebook page na “Rapper sa Pinas” sa mga kinondena ang ginawang pambabastos umano ng ilang tao na nanood sa music festival kay Skusta.

Giit nila, labas na umano dapat ang isyu ni Skusta sa performance nito dahil binayaran umano ito para mag-perform at sa kanyang talento at hindi para bastusin ng tao.

Saad ng nasabing page, “‘Di naman sa pinagtatanggol ko to . Kapag ganyan dapat labas natin yung issue dyan. Binayaran ‘yan para mag-perform hindi para bastusin n’yo. Kung di mo gusto eh di wag ka manood. Respetuhin natin ang mga artist. Talento yung binayaran diyan hindi yung kung ano man.”

Dagdag pa ng page, “Wala namang pilitan kung ayaw manood eh. Tsaka saka ka na manghusga kung hindi ka pa nakakagawa ng pagkakamali at perpekto ka. Doon lang tayo sa katotohanan.”

Samantala, ni-repost nga ni Skusta ang post ng nasabing page kung saan nilinaw niya sa caption na hindi naman daw siya nabastos sa music festival.

Ayon pa kay Skusta, masayang-masaya umano sila.

Maliban dito, tila nagbanta rin si Skusta sa mga taong susubukan siyang bastusin.

Sinabi ni Skusta na hindi umano uubra sa kanya na bastusin dahil tiyak mababato umano niya ng mic sa mukha ng taong nambastos sa kanya.

Ani Skusta, “Hindi ako nabastos! Saya kaya namin! Saka di uubra sa akin bastusin ako kasi may lilipad na mic sa mukha mo pag nagkataon.”