Toni Gonzaga, kinuyog ng netizens online kasunod ng pagkakatalaga sa kanya bilang bagong Shopee ambassador

Pinangalanan na ng Shopee Philippines ang kanilang bagong ambassador na walang iba kundi ang ALL TV host-actress na si Toni Gonzaga.

Ngayong Huwebes, September 29, ipinakilala ng isa sa pinakamalaking online shopping mall sa bansa si Toni bilang kanilang bagong mukha at boses.

Sa isang media event na nagsilbing welcome event para sa kanya, taos-puso namang nagpasalamat si Toni sa mga netizen sa kabila ng matinding batikos at backlash na natanggap niya online.

Sa kanyang mensahe ay sinabi ni Toni na nagpapasalamat siya sa mga netizen dahil sa pag-mention at engagement na nakuha nila simula pa kahapon, September 28, kung kailan lumabas ang teaser ng anunsyo ng Shopee Philippines tungkol sa pagiging ambassador niya.

Ayon pa kay Toni, kung hindi dahil sa mga netizen ay wala umano sila ngayon sa kanilang posisyon.

Ani Toni, “Since yesterday we are trending, today we are grateful for our netizens for the mentions and engagements, they are the reasons why we are here today.”

Samantala, nasa top trending list ngayon sa iba’t ibang social media platform ang pangalan ni Toni at ang mga hashtag na “boycott Shopee” at “Bye Shopee”.

Ito ay matapos hindi matanggap ng maraming netizens na si Toni ang bagong ambassador ng pinakamamahal nilang online shopping mall.

Sa katunayan, maraming users ang nag-delete o nag-uninstall ng kanilang mga Shopee app kasunod ng pagkuha ng Shopee kay Toni bilang kanilang bagong ambassador.

Bumuhos din ang negatibong komento mula sa netizens kaugnay ng pagkakatalaga kay Toni bilang bagong Shopee ambassador.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na nag-ugat ang tila ‘h@te’ o pagkadismaya ng marami kay Toni nang suportahan niya ang UniTeam sa pangunguna ni Pangulong Bongbong Marcos noong nakaraang eleksyon.

Sa ngayon, wala pa namang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng Shopee Philippines kasunod ng panawagan ng marami nitong users na i-boycott ang kanilang kumpanya at sa dami ng mga user na nagbura ng kanilang Shopee app.