Vanessa Raval, tinakwil ni Aj Raval hindi raw sila “close”

Vanessa Raval, tinakwil ni Aj Raval hindi raw sila “close”

Binasag na ng sexy actress na si AJ Raval ang kanyang katahimikan kaugnay sa isyung kinakaharap ngayon ng kanyang kapatid na si Vanessa Raval.

Lingid sa kaalaman ng lahat, magkapatid sa kanilang ama na si action star Jeric Raval sina AJ at Vanessa.

At kamakailan lang, umugong ang pangalan ni Vanessa dahil sa kanyang mga misteryosong post tungkol sa isang diumano’y “sikat” at “pangit” na rapper na patuloy na nagcha-chat sa kanya at niyayaya siyang pumunta sila sa isang resort.

Noong una ay iniugnay sa isyu ang OPM rapper na si Daryl Ruiz a.k.a. Skusta Clee ngunit kalaunan ay nilinaw din ni Vanessa na hindi ito ang tinutukoy niya sa kanyang posts.

Kasunod nito ay pinangalanan naman niya ang rapper na nangungulit sa kanya sa chat bilang si Miguelito a.k.a. Haring Manggi.

Nagsalita na nga si AJ matapos madawit ang kanyang pangalan sa isyu.

Sa kanyang inilabas na pahayag, iginiit ni AJ na wala siyang kinalaman sa isyu ni Vanessa.

Inamin din niyang hindi umano sila ‘close’ ni Vanessa bagaman pareho sila ng apelyido.

Pahayag ni AJ, “I am speaking on behalf of my family whose name is being dragged regarding the circulating issue involving Vanessa. Please stop dragging my name in this issue that I have nothing to do with. Especially my father na umaako ng pressure dahil sa name na dala ni Vanessa.”

Giit niya, “We may share the ‘Raval’ name, pero hindi ko siya nakasamang lumaki, hindi rin kami close.”

Ibinahagi naman ni AJ na mas malapit siya sa kanyang mga kapatid sa kinalakhan niyang ina na si Holiday Buensuceso na asawa ngayon ng kanyang ama.

Labis umano silang naapektuhan sa isyu ni Vanessa kaya nais niyang linawin sa lahat na wala silang kinalaman dito.

Saad ni AJ, “We are very civil pag nagkikita at times, but there is nothing special about it, dahil mas close ako sa mga kapatid ko sa nakalakihan kong mother (Holiday)…”

“We are utterly affected about the circulating issue kahit wala kaming kinalaman. Again, we have nothing to do with it. Labas kaming lahat sa issues ni Vanessa,” dagdag niya.

Sinabi naman ni AJ na tulad ng mga isyu na kinakaharap niya, wala rin umanong kinalaman dito ang kanyang pamilya.

Aniya, “Ganoon din sa akin, Labas din po lahat ng family members sa bawat issue na dumadating sa akin.”

Sa huli, humingi ng pasensya si AJ sa lahat ng naapektuhan at nasira lalo na umano sa hiphop industry dahil sa isyu ng kanyang kapatid.

Samantala, pagkatapos magsalita ni AJ, nag-post naman si Vanessa ng isa pang cryptic post kung saan inamin niyang pinlano niya ang isyu at sumugal siya para umano sa mga taong mahal niya.

Ngunit aniya, sa huli, tila siya pa umano ang lumabas na masama.

Ani Vanessa, “Scripted lahat! Pinlano gumawa ng kwento. Sumugal lang sa mga taong mahal ko sa buhay. Pero bandang huli talo. PATAWAD SA LAHAT.”

Depensa niya, “Hindi para sa kita ng FB kaya ko ‘to ginawa. Ako na lang siguro nakakaalam no’n. Salamat.”

Dahil naman sa naging pahayag ni Vanessa, tila nagkaroon ng ideya ang netizens sa totoong motibo nito kung bakit ito gumawa ng isyu.

Hula ng netizen, ginawa lamang umano ito ni Vanessa para mailayo nito ang atensyon ng tao sa isyung kinakaharap ngayon ni AJ hinggil sa umano’y pagdadalang-tao nito sa anak nila ng kanyang rumored boyfriend na si Aljur Abrenica.

Gayunpaman, sa kabila ng anila ay “sakripisyo” ni Vanessa, siya pa umano ang idiniin at sinisi ni AJ.

Wala pa namang pahayag tungkol dito si AJ.